Ilan sa mga estudyante ang isinugod sa ospital nang mawalan ng malay sa tindi ng init matapos ang isinagawang fire at earthquake drill.
HIGIT 100 estudyante ang isinugod sa ospital matapos ang sorpresang fire drill na ginawa sa isang eskuwelahan sa Cabuyao, City Laguna noong Huwebes, ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO).
“Ang lahat-lahat 104…Dinala po lahat sa hospital,” ayon kay CDRRMO head. Sinabi ni Abinal na karamihan sa mga estudyante ay hinimatay dahil sa gutom at dehydration.
Nabatid na nagsagawa ng fire drill ang Gulod National High School – Mamatid Extension, base sa memo na ipinadala ng Department of Education.
Sinunod umano nito ang Mandatory Unannounced Earthquake and Fire Drills in Schools, ayon pa kay Abinal.
Gayunman, sinabi ni Abinal na hindi nakipag koordinasyon ang eskuwelahan sa city government o sa CDRRMO, at sae Bureau of Fire Protection (BFP).
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang eskuwelahan sa insidente.
Sinabi ni Abinal na mayroong 3,000 students ang nagtipun-tipon bandang alas-12:30 ng tanghali at bandang alas-2:00 ng hapon ay sinimulan naman ang fire drill.
Inutusan ang mga estudyante na magpunta sa open evacuation area at pagkatapos ay sa kanilang classroom.
Ayon pa kay Abinal ang heat index kahapon ay nasa 39 hanggang 42 degree Celsius mula 1 p.m. hanggang 3 p.m. Nasa 20 estudyante ang hinimatay habang 80 sa loob ng classroom ang nawalan din ng malay dahil sa dami ng tao.
Wala rin umanong safety officers at medics sa fire drill at tanging Boy Scouts at Girl Scouts of the Philippines lamang ang nagsilbing marshals.
Hanggang ngayon ay mga estudyante pa ring naka-confine sa ospital habang ang iba na pinauwi na ay nag-collapse pa rin sa kanilang bahay.
