PATAY ang isa sa mga suspect na sangkot pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis.
Sa pahayag, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na napatay ang suspect na nakilala lamang sa alyas na ‘Otin’ habang limang iba pa, kabilang ang kanyang ama, ang tinutugis pa ng pulisya.
Nabawi sa nasawi ang .45 caliber pistol na may anim na bala.
Sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga gunman at hindi umano titigil hanggat hindi nakakamit ang hustisya sa mga biktima.
Hinimok din ng PNP ang publiko na makipagtulungan sa awtoridad at ipagbigay-alam ang anumang impormasyon sa ikadarakip ng mga suspect.
Si Adiong at ang kanyang aide na si Ali Macapado Tabao ay sugatan nang maganap ang ambush sa boundary ng Lanao del Sur at Bukidnon noong Pebrero 17.
Apat naman sa tauhan ni Adiong ang namatay sa pag-atake, kabilang ang driver ni Adiong na nakilala lamang sa alyas na Kobi at tatlong miyembro ng governor’s police security detail na sina Staff Sgt. Mohammad Jurai Adiong, Cpl. Johanie Sumandar and Cpl. Jalil Cosain.
Iniutos na rin ni Azurin ang suspensiyon ng lahat ng civilian gun permits sa lalawigan ng Maguindanao at Lanao del Sur gayundin ang 63 barangay sa North Cotabato, na pawang nasa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
