MADUGO ang kinahantungan ng gang war ng mga kabataan nang sumabog ang granadang hawak ng isa sa mga nagra-rumble sa Cavite City, Miyerkoles ng gabi.
Tatlo ang patay habang apat na iba pa ang inoobserbahan sa ospital kabilang ang itinurong suspect.
Naisugod pa sa Divine Grace Hospital ang mga biktimang sina Julius Tindoc, Joseph Barrera, Mark Gio Layug at Reymart Patricio subalit namatay habang ginagamot ang tatlong unang nabanggit habang kritikal ang huli.
Sa Philippine General Hospital dinala sina Erickson Valenzuela at Alejandro Dizon habang sa Cavite Medical Hospital naman isinugod si Arjay Camacho na itinurong suspek sa insidente.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Jonathan Baclas ng Cavite City Police, dakong alas-11:58 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Benitez St., Barangay 8, Cavite City kung saan dalawang grupo ng mga kabataan ang nag- aaway hanggang sa nagkaroon ng batuhan at habulan na umabot sa Barangay 11.
Nang dumating ang mga barangay tanod, nakita ang isang lalaki na kasama ng isang grupo na may dalang granada at hawak na ang firing pin.
Tinangkang pahupain ang lalaki na may hawak na granada subalit nagbanta itong tatanggalin ang pin.
Sa gitna nang pag-aagawan sa granada, natanggal ng suspect ang pin at sumabog.
Si Camacho ay kasalukuyang naka-hospital arrest habang isa pang minor na itinuro ring suspect ay hawak na ng City Social Welfare and Development (CWSD).
