Ang tatlong suspect na naaresto sa loob lamang gn 24-oras.
MATAPOS lamang ang 24-oras, arestado ang tatlo katao kasama ang utak sa krimen, matapos patayin ang dalawang babae sa loob ng tirahan sa Barangay Lalig, Tiaong, Quezon.
Namatay noon din sa mga tama ng bala sa katawan ang mga biktimang sina Jessica Prado Tambado, 28, at Lani Caya, 26.
Arestado naman ang mga suspect na sina Danny Cordero De Guzman, 39, driver ng getaway vehicle; Randy Andal Malabanan, 44, gunman; Totie Garcia Laigo, 64, businessman, isa ring gunman. Si Malabanan ay dati nang naaresto sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms).
Ayon sa report, ang mga biktima ay nasa bahay ni Tambado nang dumating ang mga suspect.
Agad pinaputukan ng mga ito ang dalawa.
Sa CCTV na nakalap, nakita ang pagtakas ng mga suspect sakay ng isang putting Toyota Altis.
Agad natunton si Laigo sa Brgy. Kaybagal North, Tagaytay City.
Isa-isa nang naaresto ang iba pang suspect.
Nabawi sa mga ito ang iba’t ibang uri ng baril at bala.
Agad namang pinuri ni Regional Director, PBGEN Jose Melencio Nartatez said ang mabilis na paglutas sa krimen.
“Hanga ako sa galing at sipag ng ating mga pulis sa Tiaong MPS dahil nahuli agad ang mga suspek na ito sa loob lamang ng ilang oras matapos ang pamamaril,” ayon kay Nartatez.
Nabatid pa na planado ang krimen batay sa pag-amin ni Laigo sa mga imbestigador.
Sinabi nitong karelasyon niya si Caya at lubos na nagselos nang malaman na may iba pang karelasyon ang biktima.
Inamin din ni Laigo na nakapaglustay ang biktima ng umaabot sa milyong piso gayundin ang ipinagkatiwalang ari-arian sa biktima.
Nakakulong na ang mga suspect at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga ito.
