Ni Lucio S. Papa
ANG bangketa sadyang ginawa para sa ligtas na paglakad ng mga tao. Sa isang pahayag, muling pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng Angono ang mga nasasakupang residente at mga negosyante hinggil sa implementasyon ng Anti-Street Obstruction Ordinance.
Sa ilalim ng naturang ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda, pag-iimbak, pagtatayo ng istruktura, paggamit sa bangketa bilang garahe ng sasakyan, paglalagay ng mga karatula at iba pang sagabal sa daang-tao.
Bukod sa bangketa, saklaw rin ng naturang panuntunan ang kalsada, tulay, eskinita, liwasan at iba pang pampublikong lugar.
Sa bisa ng Anti-Street Obstruction Ordinance na pinagtibay noong unang bahagi ng taong 2021, nilikha ang “Task Force Bangketa” para sa clearing operation.
Binalaan din ni Angono Municipal Administrator Alan Bitong Maniaol ang mga establisyemento at kabahayan hinggil sa probisyong nagtatakda ng multa sa paglabag, at parusa sa paulit-ulit na pag balewala sa ordinansa.
“Hanggat maari, ayaw ng lokal na pamahalaan gumamit ng kamay na bakal. Pero kung para sa kaligtasan ng mga ordinaryong mamamayan – higit lalo yung mga bata at may kapansanan, kailangan natin tiyakin ang kaayusan sa ating bayan,” aniya.
Bukod sa nakaambang multa, gigibain ang anumang istrukturang sagabal sa daanan ng pedestrian.
Gayunpaman, nilinaw ng lokal na opisyal na bibigyan ng pagkakataon ang mga may-ari ng istrukturang kumain ng espasyo ng bangketa para sa “self-demolition.”
Dadalhin naman ang mga kumpiskadong paninda sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para ipamahagi sa mga nangangailangan.
