PUTOL-PUTOL na mga bahagi ng katawan ng isang babae ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Antipolo City.
Tanghali ng Biyernes nang makita ng isang nangangalakal ang pugot na ulo, braso at paa sa ilalim ng tulay sa Barangay dela Paz, NHA road.
Bandang alas-6 ng gabi nang matagpuan naman ang malaking bahagi ng katawan sa Barangay Boso-Boso o 10 kilometro ang layo sa unang kinatagpuan ng katawan.
Ayon kay Police Lt. Col. June Abrazado, hepe ng Antipolo City Police, nabubulok na ang mga bahagi ng katawan nang matagpuan nila.
“Yung katawan po ay ni-request po namin ito sa SOCO, kinuha na po yung katawan for autopsy…. Kapag natapos na po yung SOCO sa kanya, tsaka pa lang po i-declare na pwede na i-claim ng family,” sabi niya.
Ayon sa PNP, may nagsabi nang kaanak nila ang natagpuang chop-chop na katawan ng babae.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis para matukoy ang salarin.
Ani Abrazado, kailangan pa nilang mag-backtrack nang tatlong araw at susuriin nila ang mga kuha ng CCTV sa lugar para mas mabigyang linaw at maresolba ang krimen.
Kinilala na mga kaanak ang katawan at sinabing noong Hunyo 7 ay nagpaalam ito, kasama ang live-in partner na may kakatagpuin sa Cogeo. Hindi na nakabalik ang biktima.
