LUMUTANG ang bangkay ng isang trial court judge sa karagatan ng Sabangan village, Sinait town, Ilocos Sur, Huwebes ng umaga matapos umanong malunod.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Geraldine Ramos del Rosario, 43, presiding judge ng Metropolitan Trial Court sa Sinait.
Bandang alas-7 ng umaga nang makita ng mga mangingisda sa Sabangan ang bangkay ng biktima, ayon sa Sinait police.
Nabatid na umalis ng bahay ang biktima bandang alas-4 ng madaling araw ,base na rin sa nakita sa security camera.
Ito umano ang kadalasang ginagawa ng biktima, ayon sa pamilya nito, upang mag-jogging at pagkatapos ay maligo sa dagat malapit sa lugar.
Isinugod pa ang biktima sa Ilocos Sur District Hospital ngunit idineklarang patay ng mga doktor.
