WALO ang sugatan sa pagitan ng barilan ng magkalaban sa pulitika na pamilya o rito sa Malabang, Lanao del Sur nitong nakaraang linggo.
Ayon sa report, nakarinig ng sunud-sunod na putok bandang alas-9 ng gabi noong Linggo at tumagal ng hanggang alas-2 ng madaling araw ng Lunes.
Naulit ang putukan ng alas-5 ng umaga.
Sinabi ng mga residente na hindi na sila nakatulog sa takot na mahagip ng mga bala.
Sinabi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) police na walong sibilyan, kabilang ang isang bata, ang sugatan nang tamaan bala. Wala namang iniulat na kritikal.
Sinabi ng pulisya na posibleng rido o away sa pagitan ng mga pamilya sa rehiyon ang dahilan ng barilan.
Gayunman, tumanggai silang pangalanan ang mga ito.
Hindi pa rin malinaw kung may kinalaman ang away sa nalalapit na eleksiyon ngunit isa umano ito sa motibo.
“As of now, hindi pa po natin talaga masabi kung election-related incident ito. Kasi mayroon po kasing existing na rido between the two parties. So, iniimbestigahan pa natin thoroughly itong insidente na ito,” ayon kay Abdul Jabbar Noor, election officer ng Malabanag, Lanao del Sur.
Humupa lamang ang tensiyon nang pumasok na ang mga operatiba ng Philippine National Police Special Action Force at Marines sa lokasyon.
Nasa ilalim ng Comelec
Sinabi ng Commission on Elections na ang Malabang at Tubaran ay nasa ilalim na ng kanilang kontrol.
Isinailalim na rin sa Red Code Areas o poll body areas of immediate concern ang dalawang lugar.
“Nasa loob na rin po ang Malabang ng under COMELEC control po ‘no? So kapag nasa COMELEC control po, ang lahat ng movement at order manggagaling po sa amin sa Commission on Election,” sabi ni Noor.
