SINABI ng Boac Police na mayroon na silang limang kataong tinututukan sa karumal-dumal na pagpatay at paggahasa sa magkasintahang campers sa Boac, Marinduque.
Sinabi ni Boac police chief Police Major Jerome Mendiola na mayroon na silang hawak na litrato at voice recording ng isa sa itinuturing na suspect sa rape victim na kinilala lamang sa alias na Lyn na ni-rape at sinaksak sa leeg ng suspect.
Patay naman sa saksak ang nobyo nitong 21-anyos nang pasukin ng suspect ang tent na tinutuluyan ng magkasintahan at pagsasaksakin ang biktima.
“As of now, wala pa po kaming nahuhuling suspect pero meron na po kaming ilang persons of interest,” ayon sa pulis sa pahayag sa INQUIRER.net. “Bale lima [sila]. Iyong isa, nakuhanan namin ng voice recording at pictures kahapon. Iyong apat, lalakarin namin ngayon for voice recording at i-send namin sa victim.”
Ayon pa kay Mendiola sa kahilingan ni Senator Raffy Tulfo, isa pang police officer ang nagbabantay sa biktima na nailipat na sa isang ospital sa Lucena.
“Dalawa na po kasi kahapon, isa lamang po. Nakausap namin si Senator Tulfo kahapon, nagpadagdag po ng isa. Nag-request sila,” sabi nito.
Nagbigay na rin ng P1 milyong pabuya si Tulfo sa sinuman na makapagtuturo sa suspect o mga suspect na gumawa ng krimen.
