NASA 4,000 residente ang lumikas sa kanilang mga bahay dahil sa banta ng umano’y lider ng mga teroristang grupo na Dawlah Islamiyah in Marogong, Lanao del Sur, ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ngayon Lunes.
Sa panayam, sinabi ni PRO BAR public information office chief Police Lieutenant Eirene Mazon na nasa 20 porsiyento ng mga nagsilikas ay bumalik na sa kanilang tirahan.
Sa press briefing sa sa Quezon City, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr. na pinaigting na ang operasyon ng puwersa ng pulis at pakikipagkoordinasyon sa Armed Forces of the Philippines upang bigyang seguridad ang lugar.
Sinabi ni Acorda na may sapat silang puwersa upang mapangalaan ang mga residente sa naturang lugar.
Sa pagtutok na kapulisan sa lugar, nakatitiyak umano si Acorda na mas lamang ang kanilang puwersa at mawawala ang pangamba ng mga tao roon.
Sa pahayag, sinabi ni PRO BAR chief Police Brigadier General Allan Nobleza na isang umano’y lider ng Dawlah Islamiyah ang nagbanta sa social media.
