APAT na sundalo ang pinagbabaril at napatay ng kasamahang sundalo sa loob ng Camp Evangelista sa Cagayan de Oro.
Patay din ang sundalong nag-amok habang isa pa ang sugatan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Army 4th Infantry Division (4ID), natutulog ang apat na nasawi sa kanilang kwarto sa Service Center Battalion Headquarters nang dumating ang nag-amok armado ng M16 rifle at pinagbabaril ang natutulog na mga biktima.
Agad ding rumesponde ang iba pang sundalo sa headquarters na binaril din at napatay ang nag-amok.
Ayon kay 4ID spokesperson Major Francisco Garello Jr., tinangka pang payapain ang nag-amok ngunit hindi rin ito nagpaawat hanggang sa mabaril.
Isinugod sa ospital ang sugatan.
Nangako naman si Garello na iimbestigahan ang insidente at bubusisiin ang lahat ng posibleng anggulo na nag-ugat sa pagpatay sa apat na biktima.
