Binuksan na ang pamosong Pagsanjan Falls upang makabangon ang turismo sa lalawigan. Apat na bayan sa Laguna ang iniulat na Covid-free kahapon.
LAGUNA- Apat na bayan na sa lalawigang ito ang ‘zero’ o wala nang aktibong kaso ng Covid-19, ayon sa inilibas ng Laguna Provincial Health Office nitong Nobyembre 15.
Ang mga bayan ng Lumban, Luisiana, Rizal at Famy ay wala nang naitalangg aktibong kaso o ‘zero’ na sa coronavirus.
Nangunguna naman sa talaan ang lungsod ng Calamba kung saan ay mayroong 446 aktibong kaso. Inumpisahan na rin ang pediatric vaccination o pagbabakuna sa mga kabataang nasa edad 12-17.
Nasa 1,000 na mag-aaral ng Calamba Science High School at Calamba Integrated School for the Arts na ang nabakunahan kontra Covid noong Sabado.
Samantala, sa pagpapatuloy ng pagdami ng nababakunahan ay unti-unti na ring nagbubukas ang mga pasyalan sa probinsya.
Binuksan na pamosong Pagsanjan Falls noong Lunes upang makabangong muli ang sektor ng turismo na labis na naaapektuhan ng pandemya.
Isang malaking tulong ito para sa mga bangkerong lubos na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya. Sisiguraduhin naman ng lokal na pamahalaan ng Pagsanjan na masusunod ang lahat ng itinalagang public health protocols upang mapanatili ang kaligtasan ng mga residente at mga turistang magtutungo sa kanilang bayan.
