Photo: Mayor Rochelle Mergal
NASA 37 kabahayan ang gumuho matapos lumambot ang lupang kinatitirikan sa walang patid na buhos ng ulan sa Salcedo Ville, Barangay Tagbacan, Salcedo, Eastern Samar, Miyerkoles ng umaga.
Walang naiulat na nasawi o nasaktan sa insidente.
Ayon sa ulat mula kay Mayor Rochelle Mergal, paglambot ng lupa ang posibleng sanhi ng pagguho ng lupa sa naturang lugar.
Agad namang nagsagawa ng rescue, recovery and evacuation efforts ang lokal na pamahalaan para sa mga apektadong mga residente sa nasabing lugar.
Dagdag pa ng alkalde, pasado alas 3 ng madaling araw nang mapansin ng mga residente ang pagguho. Apektado ang mga dulong bahagi ng apat na block ng subdibisyon.
Ligtas naman ang mga residente dahil napaghandaan na nila ang paglabas sa kani-kanilang mga bahay, matapos may makatimbre na nagsisimula na ang pagguho ng lupa.
Apektado ang 45 pamilya o 205 na mga indibidwal.
Agad namang nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng forced evacuation lalo pa at tuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan.
Ang subdibisyon na ito ay donasyon ng SM Development Corporation.
