TATLONG turista ang nasawi matapos sumalpok sa tulay ang sinasakyang van ng mga ito habang papuntang Chocolate Hills, Lunes ng umaga.
Sinasabing nakatulog ang driver ng van nang maganap ang aksidente.
Kinilala ang mga nasawi na sina Abelardo Cagampang, 48; Janice Rosen Bonbon, 35; at Marlon Ondos, pawang taga-Bansalan Davao del Sur.
Ginagamot naman sa Carmen hospital ang mga sugatan na sina Junrey Malisa Cagampang, 39, drayber ng van; Lucino Cagampang, 34; at Jasper Argomes, 23.
Ayon kay Police Corporal Joey Baquiano, imbestigador sa nasabing kaso, naganap ang insidente sa Camanayon bridge sa Buenos Aires, Carmen, Bohol.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang anim na pasahero ng van galing sa isla ng Panglao at bumiyahe ang mga ito madaling-araw nitong Lunes patungong Chocolate Hills.
Subalit habang binabaybay ni Junrey ang nasabing lugar ay nakatulog ito dahilan para bumangga sila sa nasabing tulay.
Samantala, posibleng maharap sa reklamong reckless driving resulting in multiple homicide at injuries ang driver ng van.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.
