Ang nagkarambola na tatlong sasakyan sa NLEX. Courtesy Mexico Pampanga Police
TATLO katao ang nasawi sa banggaan ng tatlong sasakyan sa Bisperas ng Pasko sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Mexico, Pampanga, Sabado ng umaga, ayon sa pulisya.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nasa southbound direction ang puting van nang mawalan ito ng kontrol at mapunta sa center island hanggang sa northbound lane.
Tumama umano ang van sa paparating na pulang kotse at puting SUV, na parehong wasak ang harapang bahagi.
Patay ang driver at isang pasahero ng pulang kotse habang sugatan ang 3 sakay nito, kabilang ang 2 menor de edad.
Patay din ang isa sa mga pasahero ng puting van habang wala namang malubhang nasaktan sa SUV.
Galing Isabela ang van, na papunta sanang Quezon City.
Ang mga sakay naman ng kotse ay galing Maynila at pauwi sanang Tarlac habang ang mga pasahero ng SUV ay mga bakasyunistang mula Quezon City at papunta sana ng Baguio City.
