ARESTADO ang tatlong aktibong pulis ng Dasmariñas City Police Station at isang babae sa ikinasang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga tauhan ng Dasmarinas City Police Station, kasama ang operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 4A, Cavite Police Drug Enforcement Unit, RIU4A, PDEG-SOU4, at PDEA4A sa lungsod.
Kinilala ang mga arestado na sina Pcl Christian Arjul Monteverde, PSSg Tomas Dela Rea, Patrolman Jeru Set, at ang sibilayang si Jorilyn Magnaye Ambrad.
Inaalam din ng pulisya ang pagkakasangkot ng mga ito sa kasong ‘hulidap’.
Base sa ulat ng pulisya, ilang araw tinutukan ng kanilang intelligence operatives ang galaw ng mga nadakip bago ikinasa ang naturang operasyon na nagresulta sa pagkakahuli sa mga pulis.
Samantala, sa follow operation naman nahuli ng otoridad si Magsalin na kanila ring kasamahan sa ilegal na gawain.
Nakuha sa pag-iingat ng mga ito ang dalawang plastic na nakabuhol at 1 umanong selyadong plastic na may lamang 205 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P1,394,000.
Sinamsam din ang mga gamit na dalawang pang maliit na plastic sachet na may lamang dalawang gramo ng shabu, 1 asul na sling bag, 1 checkered pouch, 2 cellphone, at buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Pansamantala namang nakakulong ang mga ito sa himpilan ng pulisya habang inihahanda ang mga kaso na isasampa sa kanila.
