DEAD on the spot ang dalawang pulis na nagpapatrolya malapit sa simbahan nang pagbabarilin ng mga suspect na kanilang sinita.
Nabatid na agad pinaputukan ng mga suspect ang mga biktimang sina Police MSgt. Joseph Ostonal at Police Cpl. Jeffrey Refereza.
Sinabi sa report na kahina-hinala ang pagkilos ng mga suspect dahilan para sitahin ng mga biktima. Palapit na umano ang mga pulis nang bigla silang pagbabarilin.
Arestado naman ang dalawang suspect sa ikinasang hot pursuit operation. Nagtangka pang manlaban ang isa sa mga suspect dahilan para barilin ito sa paa.
Nakuha sa mga ito ang mga baril ngunit nawawala ang service firearm ng isa sa mga nasawing pulis.
Sinabi ng pulisya na pagnanakaw ang motibong tinitingnan sa krimen. Dalawa pang kasama ng mga suspect ang nakatakas at ngayon ay tinutugis na ng awtoridad.
