HINDI inakala ng 12-anyos na bata na magiging mitsa ng kanyang buhay ang pagdadala nito ng baril sa ekuwelahan. Ang baril ay aksidenteng pumutok habang nasa comfort room ang bata.
Inoobserbahan ngayon ang estudyante ng Benito Nieto Elementary ng Barangay Muzon San Jose Del Monte City, Bulacan dahil sa tinamong tama ng bala sa baba na lumagos sa ilong.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ronaldo Lumactod, Chief of Police ng San Jose Del Monte City Police, ang baril ay pagmamay-ari ng tatay ng bata, na isang pulis. Naganap ang insidente Huwebes ng alas-5:40 ng umaga.
“Rapaciously nakuha ng bata ‘yung baril ng kaniyang ama at dinala niya sa kaniyang eskwelahan kung saan siya nag-aaral. At ito pong bata ay pang-umaga,” sabi ni Lumactod.
Base sa imbestigasyon, pumunta sa comfort room ang bata.
Ilang saglit pa, narinig ng mga guro na may pumutok sa palikuran. Nang puntahan, nakita nila ang duguang bata.
Agad nila itong isinugod sa ospital para sa karampatang lunas.
Base pa sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nalulong umano ang bata sa online games.
“Siguro ang akala ng bata ay the same ang extent ng damage doon sa kaniyang nilalaro dito sa tunay na buhay,” sabi ni Lumactod.
