PATAY ang isang 11-anyos na bata habang 23 pa ang naospital matapos kumain ng expired na sardinas at corned beef na nakita sa bakanteng lote sa Zamboanga City.
Sinabi na itinapon ng dealer ang mga delata dahil bulok na umano ang mga ito.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Zamboanga City Health Office at Zamboanga City Police Office na ang nasawi ay kinilalang si Gabriel Agdatan Sumulang.
Ang biktima ay isang preschool na bata at kabilang umano sa mahirap na pamilya sa Sitio Malubog in Barangay Patalon in Zamboanga City.
Isinugod naman sa iba’t ibang pagamutan ang 23 biktimang nalason, ayon sa Zamboanga City LGU.
Ayon sa report, kinain ng mga biktima ang itinapon na sardinas at corned beef sa Barangay Patalon.
Isang driver na kinilalang si Aldo Reyes Labacanacruz ang nagtapon ng mga delata sa utos umano ng kanyang employer na kinilala nitong si Gaudencio Rojas.
Sinabi naman ni Rojas na hindi siya sinunod ni Labanacruz na itapon ang mga delata sa malayong lugar.
Nangako naman ang Zamboanga City LGU na tutulungan ang mga biktima, gayundin ang pagpapalibing sa nasawing bata.
