Ni Felix Tambongco
HINDI na nakuha pang isugod sa pagamutan ang isang bodyguard, samantalang sugatan naman ang kapitan ng isang barangay sa Antipolo City makaraang tambangan ng mga hindi pa kilalang salarin sa karatig bayan ng Teresa kahapon ng madaling araw.
Sa paunang ulat ng pulisya, bandang alas 4:00 ng madaling araw nang paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang itim sa pick-up na sinasakyan ni Kapitan Allan Abonio ng Barangay Calawis sa Sitio Bulak, Barangay Bagumbayan sa Teresa.
Dead on the spot naman ang driver bodyguard nitong si Renato de Guzman. Ayon sa imbestigador, sakay ang mga biktima ng isang itim na Mitsubishi Strada pick-up na may plakang NEJ 6854 nang pagbabarilin.
Nagtamo ng 20 tama ng bala ang iba’t ibang bahagi ng sasakyan — 14 sa passenger seat kung saan nakaupo si Kapitan Abonio at anim naman sa kaliwang bahagi kung saan nakaupo si De Guzman na nagmamaneho ng sasakyan.
Patuloy naman ang imbestigasyon at follow-up operation ng pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek na tumakas sakay ng motorsiklo.
