MetroSunDaily

REAL NEWS * REAL TIME

Ranque Formula

Ni Angel F. Jose

KUNG gusto may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.

Ito ang kwento ng isang mahusay na opisyal sa gobyerno.

Sa isang pulong balitaan, tinalakay ng isang Energy official ang kinasasadlakang dusang dulot ng mataas na buwanang singil sa konsumo ng kuryente at ang walang humpay na pagpapataw ng dagdag-presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Undersecretary Benito Ranque, kayang-kaya naman pababain ora mismo ang presyo ng langis hanggang P3.26 kada litro at buwanang singil sa kuryente ng mga pobreng Pilipino nang hindi na kailangan pang suspendihin ang excise at value-added tax na ipinapataw ng gobyerno.

Ang totoo, lubhang mahalaga ang bawat sentimo ng buwis na nalilikom ng pamahalaan mula sa sektor ng enerhiya, lalo pa’t nahaharap ang bansa sa matinding pagsubok sa gitna ng krisis sa langis at patuloy na banta ng pandemya. Sa pagtataya ni Ranque, posibleng matabasan agad ng P3.26 ang presyo kada litro ng gasolina at P1.40 naman sa krudo kung didinggin ng Kongreso ang kanyang panawagang pagbalangkas ng isang House resolution na magbibigay daan sa suspensyon ng Biofuels Act of 2006 na nagtatakda ng ‘additives’ sa mga produktong-petrolyo.

Aniya, dagdag pasakit lang sa mga sektor ng public transportation at mga industriyang nagbibigay empleyo ang bio-ethanol na inihahalo sa mga produktong petrolyo sa merkado.

Sa pagsasaliksik, lumalabas na hindi naman pala talaga kailangan ng mga pampasaherong jeep at bus ang additive na ginagamit lang para itaas ang antas ng road performance ng mga “high-end cars” o yaong mga sasakyan kaya lang bilhin ng mga sobra-sobra na ang pera. “Those additives should be made an option. Hindi naman talaga kailangan ng mga pampasaherong dyip at bus ang additives. Those additives are meant to induce performance ng mga mamahaling sasakyan,” ani Ranque.

Sa usapin ng mataas na buwanang singil sa kuryente, hinikayat niya ang susunod na administrasyon na palawakin ang mekanismo ng lifeline subsidy sa P800 mula sa kasalukuyang P400 para sa mga konsyumer na kumokonsumo ng 100 kilowatts kada buwan.

Eh sino lang ba ang ganun ang konsumo? Hindi ba yung mga pobreng Pilipinong walang aircon, refrigerator at mga appliances sa bahay?

Hindi ko personal na kilala si Ranque pero sa dalawang iba pang pumupustura – sina Congressman Mikey Arroyo na anak ng dating Pangulo at Energy Regulatory Commission chief Agnes Devanadera na sagana lang sa dada, mukhang si Ranque na ang tamang taong dapat italaga ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. bilang Kalihim ng Department of Energy (DOE).

Find this content useful? Share it with your friends!