Ni Angel F. Jose
SA isang anti-illegal drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bayan ng Mabini sa lalawigan ng Davao de Oro, muling nakita ang tunay na kulay ng giyera kontra droga ng gobyerno – limitado lang sa walang kapit, walang kumakanlong.
Ayon mismo sa mga nadakip ng PDEA, nasa 50 ang inabutan ng mga operatiba, kabilang ang target na anak ng milyonaryo.
Subalit sa paghahain ng kaso, 17 na lang ang inasunto.
Sa madaling salita, 33 pang ibang nasa beach party ang nakalusot sa dahilang tanging PDEA lamang ang nakakaalam. Anyare, tanong ng publiko.
Na-areglo ba o may kumanlong sa kanila? Hindi na bago ang suhulan sa pagitan ng mga operatiba at arestado. Katunayan, yan talaga ang kalakaran – ika nga, pera-paraan.
Ang siste, bukod sa target ng operasyon, kabilang sa mga inabutan ay kilalang tagapagsalita ng anak ng Pangulo.
Siya si Jefry Tupas na kilalang tao ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Ang nakapagtataka, hindi siya nasama sa mga inaresto bagamat ayon mismo sa iba pang inabutan ng operatiba, si Tupas ay naroon nang maganap ang pagsalakay.
Hindi pa roon nagtatapos ang kwento. Pagtatapat ng isang inasunto, may nakuhang droga sa pag-iingat ni Tupas – mga ebidensyang ikinarga ng mga operatiba sa iba pang nasa kanilang kostudiya.
Paano nakalusot si Tupas? Ayon sa isang panayam, nagpakilala umano si Tupas na tao ni Sara kaya naman umano hinayaang makalaya kasama ang nobyo at isa pa.
Ano daw? Hindi ganun katanga ang PDEA.
Hindi nila gagawing palayain ang isang suspek kung wala rin lang atas ang piskalya o husgado.
Ang paglalaglag ng pangalan, hindi rin kinakagat ng PDEA maliban na lamang kung sadyang may umarbor na taong hindi kayang pahindian.
Sino kaya ang umarbor? Ang malinaw, malaking kahihiyan – kung hindi man kabawasan sa planong kandidatura si Tupas sa kanyang inilaglag na pulitikong pinaniniwalaang hahalili sa isang kandidatong pamato ng Pangulo.