

HINDI nakalusot sa mapanuring miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Rizal ang P98.8-milyong supplemental budget na pinagtibay ng lokal na konseho ng Taytay.
Batay sa SP Resolution 726, pinawalang bisa ng Sangguniang Panlalawigan ang Ordinance 815 (series of 2024) na nagbigay daan sa P98.8-million supplemental budget ng Taytay.
Ang dahilan – nalula ang mga bokal sa alokasyon para sa krudo ng sasakyan ng alkalde.
Sino ba naman kasi maniniwalang kayang ubusin ng government vehicle ni mayor ang P10-milyong halaga ng krudo sa loob lang ng limang buwan? Sa talaan ng mga “least fuel efficient cars in the world,” pinakamalakas ang konsumo ng Audi S8 performance saloon na kumakain ng isang litro kada walong kilometro.
Nasa pangalawang pwesto ang Alfa Romeo Giulia Quadrifoglio at pangatlo ang Lexus LC Cabriolet.
Nakatatawang isipin na sa distansya ng tahanan at tanggapan ni mayor, hindi pa kayang umubos ng isang litro, kesehodang V8 pa ang makina ng kanyang wheels na kulay pula ang plaka.
Kung tutuusin, hindi naman bawal ang paglalaan ng supplemental fund kung kaya rin lang naman ng lokal na pamahalaan. Pero sa kaso ng Taytay, agad na nakaamoy ng katiwalian si Bokal Roberto Andres Puno.
Bukod sa P10 milyong alokasyon para sa krudo ng Office of the Mayor, partikular na tinukoy ng SP ang P6.8 milyong nakatala bilang “donation.” Kaya naman tanong ng mga bokal ng lalawigan, para kanino ba ang donasyon? Pero ang munisipyo, hindi tumugon. Pati ang P35.27 milyong pondo para umano sa “cash gift” ng mga senior citizens, kinuwenstiyon.
Ang totoo, dapat lang naman kilalanin ang ambag ng mga nakatatanda sa bayan. Ilan ba ang bilang ng mga rehistradong senior citizens sa Taytay?
Kung pagbabatayan ang 2020 census, nasa 30,000 ang bilang ng mga senior citizen sa naturang bayan.
Isa pang tanong — nakarating naman ba ang biyaya? Kung sisilipin ang Facebook page ng lokal na pamahalaan, may ilang larawan kung saan hagip na maniniyot ng munisipyo ang aktwal na pag-aabot ng sobre.
Magkano kaya ang laman? Lahat ba ng edad 60-anyos pataas binigyan? Balik tayo sa SP Resolution 726, malinaw na nakasaad na hindi pwedeng pakialaman ng munisipyo ang P98.8 milyon.
Ang masaklap, ubos na nga po! Abangan ang resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit.