
NAPAKAGANDA ng ipinasok ng mga senador at kongresista sa lehislatura ng Pilipinas dahil isinama na nila ang mga api at mahihirap sa pagbalangkas ng mga batas.
Sa pagkakaroon ng batas na nagsilang sa partylist system, inasahang hindi na kontrolado ng mga pulitiko ang paggawa ng mga ligal na polisiyang bansa.
Kalahok na rin ang mga kinatawan ng mga api, pinagsasamantalahan at nahihirap na sektor sa ating bansa.
Kahit kinopya sa Europa, dalisay ang layunin ng sistemang partylist.
Kaya lang, hindi nakalusot sa mga tusong pulitiko at mga milyonaryong gusto ring magkaroon kapangyarihan sa gobyerno.
Sa bansang ito kasi, masyadong makapangyarihan ang kongresista.
Maaaring gisahin, batikusin at akusahan ng kongresista ang sinumang Pilipino na ipatatawag sa Kamara de Representantes.
Maaari nilang walanghiyain at lantarang ipahiya kahit ang mga milyonaryo.
Dahil sa nagamit ng mga pulitiko at milyonaryo ang sistemang partylist, wala nang totoong kinatawan ang mga tinaguriang “marginalized sectors” sa ating lipunan.
Kung ituturo ng ibang tao na nariyan ang Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan at iba pa — ang sagot ko’y huwag naman kayong manloko dahil hindi ako nakikipaglokohan sa inyo. Seryosong paksa ang aking tinatalakay dahil panahon ngayon ng halalan.
Sa magaganap na eleksyon sa Mayo 9, 2022 ay kasamang pipiliin ng mahigit 60 milyong botante ang partylist, bukod sa pangulo, pangalawang pangulo, senador, kongresista at iba. Napakaraming partylist ngayon. Nadagdagan pa ang mga ito mula sa dating bilang.
Hindi ‘yan ang problema, kundi panay mga partido ng mga pulitiko, mga dating opisyal ng pamahalaan at mga taong gustong magkaroon ng ‘kakaibang’ kapangyarihan. May nabalitaan ako na ang nominee sa partylist ay “kolektor” ng mga korap na pulis sa jueteng at iba pang iligalidad.
Mayroon ding asawa ng pulis, pulitikong nakasama sa drug-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa madaling salita, walang mapagpipilian ang mga botante na totoong partylist.
Sinalaula na nila nang husto ang batas ukol sa sistemang partylist.
Kaya, karagdagang pangwawalanghiya sa mamamayang Pilipino ang naganap sa sistemang partylist, sapagkat wala nang totoong partylist ang mga api, pinagsasamantalahan at mahihirap na mga sektor sa Pilipinas.
