
TULAD ng sakit na tuberculosis ang katiwalian sa pamahalaan.
Pati ang buwanang kontribusyon sa Pag-IBIG Fund ng mga manggagawang Pilipino, namumuro mapurnada.
Dangan naman kasi, “isinugal” ng Pag-IBIG Fund ang pondong nakalaan bilang pautang sa mga miyembrong nangangarap makapagpundar ng sariling tahanan.
Una nang sumingaw ang bulilyaso sa transaksyon sa pagitan ng EEI Corp. at ng RYM Business Management Corporation na pag-aari ni dating House Speaker Martin Romualdez. Binili ng RYM ni Romualdez sa halagang P1.2 bilyon ang 20 percent shares ng EEI noong kalagitnaan 2023.
Matapos ang ilang buwan, pilit binebenta pabalik sa naturang kumpanya ang shares of stocks sa halagang P3.75 bilyon. Ang siste, lugi at baon sa utang ang EEI Corp, kaya hindi umubra ang “buyout offer” ni Romualdez sa EEI.
Pero tulad ng isang henyo, palaging may solusyon si Romualdez. Sa madaling salita, may tumulong sa EEI para makalikom ng salaping pambayad sa “buyout offer” ng noo’y Speaker ng Kamara. Batay sa impormasyong ibinahagi ng isang dating board member ng Pag-IBIG Fund, nag-invest ng P5 bilyon ang ahensya sa naluluging kumpanya.
Pati ang P1-bilyong “provident fund” ng mga empleyado ng Pag-IBIG isinugal sa EEI. Ang lumagda sa transaksyon — si Marilene Acosta na tumatayong president at chief executive officer ng Pag-IBIG.
Walang masama sa pamumuhunan ng Pag-IBIG sa negosyo, pero dapat aprubado ng board of directors.
Kailangan din dumaan sa risk evaluation para masigurong kikita ang pondong mula sa buwanang kontribusyon ng mga manggagawa.
Paano nagawa ni Romualdez hikayatin si Acosta? Sa mga panahong yun, katangi-tangi ang tikas ni Romualdez. Bukod sa pagiging House Speaker, pinsan pa siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang ginamit na tulay — ang kaalyadong TUCP partylist Rep. Democrito Mendoza na pinsan ng kanyang asawang si Yedda.
Si Mendoza naman inilapit ang lambing ng noo’y House Speaker sa isang “kasama sa pakikibaka” na nakapwesto sa Pag-IBIG — na siya namang tumayong kasador.
Kung ano man ang “cashunduan,” yan ang hindi pa natin alam. Kung pagbabatayan ang nangyari kay Arnel Ignacio na sinibak sa pwesto bilang OWWA administrator dahil sa pagbili ng lupa sa halagang P1.4 bilyon nang hindi pina-abrubahan sa OWWA board. Maging si Government Service Insurance System (GSIS) President Arnulfo Veloso kinastigo ng anim na buwang suspension dahil sa inilagak na P1.8 bilyong kapital sa Alternegy, isang kumpanyang kilala sa larangan ng renewable energy.
Bukod sa ilegal ang transaksyon ng Pag-IBIG sa EEI, nalagay sa kompromiso ang programang pabahay ng administrasyong Marcos. Dangan naman kasi, parang walang pag-asa mabawi man lang ng ahensya ang pondong inilagak sa naluluging kumpanya. Ang tanong — bakit walang kibo ang Palasyo?
