
NANG maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Palasyo, nabuhay ang pag-asang magkaroon ng sariling bahay ang mga maralita – pag-asang mas lumapit pa sa katuparan nang banggitin niya sa kanang kauna-unahang State of the Nation Address ang mga prayoridad ng administrasyon sa susunod na anim na taon.
Pero ang pag-asa, bahagyang gumuho nang kumpirmahin ng Commission on Appointments ang interim appointment ng isang big-time na kontratista bilang Kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development sa kabila pa agam-agam ng sambayanang tila nangangamba sa nakaambang monopolyo sa programang pabahay ng gobyerno.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na pasok ang kumpanyang pag-aari ni Jerry Acuzar sa mga proyektong pabahay ng pamahalaan. Katunayan, ang New San Jose Builders na siya mismo ang nagtaguyod noong dekada 70 ang nakasungkit ng dalawang pinakamalaking housing projects sa National Housing Authority (NHA) na ngayon ay nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa bilang Kalihim ng DHSUD.
Diyan pa lang may conflict of interest na.
Ang masaklap, biglang humirit si Acuzar na kailangan mangutang ng tumataginting na P1.2 trilyon bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – bukod pa sa P36 bilyon na giit para di umano sumipa ang pagpapatayo ng isang milyong housing units para sa mga pobreng pamilyang Pilipino.
Ang totoo,may pondo ang DHSUD bago pa man naupo sa pwesto si Acuzar sa naturang departamento.
Ayon sa isang impormanteng nasa loob mismo ng nasabing kagawaran, may naiwang P157 bilyong savings mula sa iba’t ibang tanggapan sa ilalim ng DHSUD. Bakit hindi yun ang gamitin ni Acuzar para umarangkada ang ipinagmamalaki niyang pabahay?
Ang tanong – nasaan na ang P157-bilyong halaga ng savings na bulong sa atin ng tagaroon mismo sa kanyang tanggapan? Naubos na sa pitong groundbreaking? But wait, there’s more.
Ang mga ikinakasang proyektong pabahay sa Mindanao, tila isinantabi muna. Ipagkakatiwala ba natin sa isang Kalihim na may-ari ng kumpanyang nangongontrata sa mismong departamentong kanyang pinamumunuan ang P1.2 trilyon na pangungutang pa ng pamahalaan?
Susmaryosep!, Masahol pa pala yan sa kontrobersyal na Maharlika Wealth Fund!
