Malabon Mayor Sandoval

If I were to remain silent, I’d be guilty of complicity.
— Albert Einstein
MAYPAJO, Lungsod Kalookan — Minsang nakadaupang-palad natin si Malabon Mayor Jeannie Sandoval noong kawani pa ako ng Climate Change Commission (CCC) at nagsagawa kami ng urban gardening outreach program sa Barangay Longos kasama ang dalawang opisyal at lecturer ng Bureau of Plant Industry (BPI).
Magiliw kaming tinanggap ni Mayor ‘Ganda’ at maging si punong barangay Angelika Dela Cruz na lingid sa aming kaalaman ay mayroon palang hidwaan ang dalawang opisyal.
Gayun man, nakarating sa aming kaalaman na batay sa status update ng Camanava (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) News kamakailan, pinadalhan umano ng Notice of Suspension (NoS) ng Commission on Audit (CoA) si Mayor Jeannie Sandoval at gayun din ang pitong konsehal kaugnay ng pagkakawaldas ng mahigit ₱10 milyon sa kanilang foreign trip sa bansang Japan.
Dawit dito ang mga konsehal na sina Nadja Vicencio, Maricar Torres, Dado Cunanan, Edward Nolasco, Len Yanga, Gerry Bernardo, Lesley Yambao, na sinasabing nabigyan ng tumataginting na ₱304,095.32 bawat isa mula sa nawaladas na mahigit ₱10 milyon.
Reaksyon ng netizen na si Bohj Zirhk Sucram: “Mayora nyo. Pa Japan Japan nlng! Habng Ang Malabon Nilalamig ndin dhl Sa BAHA na di mawala Wala .”
Komento naman ni Vic Sü: “kaya pala 400 nalang laman ng blue card e ”
Pero bumawi ang kakampi ni Mayora na si Beaux Black: “COA sino ba ang nasa likod ng pagbabalita ninyo, ang maling pagasta ba ang inyong sinabi, panu naman ung mali ninyong pagbabalita.”
Teka, totoo nga kayang naisyuhan ng NoS sina Mayor ‘Ganda’ at kanyang mga konsehal dahil sa maling paggamit nila sa pondo ng lungsod na umabot sa ₱10,643,336.20 na inilaan umano sa kanilang ‘Learning Visit’ sa Tokyo noong Disyembre 17 hanggang 23 ng nakaraang taon?
Hinayag ng CoA na wala silang natanggap na mga dokumento o kumpletong impormasyon ukol sa isinagawang paggastos ng alkalde. Hindi rin umano pasok sa kategorya ng mga aprubadong foreign travel ang nasabing trip batay sa Section 9 Executive Order No. 77.
Ayon sa Camanava News, wala pang pahayag ang ating butihing alkalde ng Malabon ukol sa CoA suspension notice sa kabila ng mga ulat na ilang beses na siyang pinuna ng ating mga state auditor ukol sa kuwestyonableng paggasta ng local budget ng lungsod.
* * *
Para sa inyong mga reaksyon o mungkahi, reklamo at kahilingan, magpadala lang ng mensahe sa aking email na cipcab2006@yahoo.com.ph o kaya’y i-text lang ako sa cellphone number na 09171592256 at 09171656792. Maraming salamat po at mabuhay!
