
TUMATAKBO ang lider-manggagawang si Leody de Guzman sa pagkapangulo para sa halalang Mayo 2022.
Tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) si De Guzman.
Bagama’t matagal nang lider-manggagawa si De Guzman, hindi siya tumakbo bilang “pambato” ng mga manggagawa sa pagkapangulo, sapagkat hindi suportado ng NAGKAISA Labor Coalition, Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at Mayo Uno (KMU). Sa ibang salita, maaaring sabihing isinuka si Leody de Guzman ng NAGKAISA, TUCP at KMU.
Malaking sampal ito sa kandidatura ni De Guzman dahil mga manggagawa ang mayorya sa kanyang base.
Sila ang mga manggagawang direktang kasapi ng BMP at ng mga manggagawang miyembro ng ilang trade unions at alyansa ng mga samahan ng manggagawa na miyembro ng BMP.
Ang ibang sumusuporta kay De Guzman ay ang opisyal at ilang miyembro ng asosasyong SANLAKAS.
Kaya, napakaraming manggagawa na kabilang sa NAGKAISA, TUCP at KMU ang maglalaglag kay De Guzman sa eleksyon, sapagkat napakaraming kasapian ang nasabing tatlong alyansa ng mga organisasyon ng mga manggagawa.
Ang tatlong nabanggit ay mayroong sinusuportahang kandidato sa pagkapangulo.
Ang NAGKAISA ay si Bise-Presidente Maria Leonor Robredo. Opisyal nang idineklara ng NAGKAISA na ang kanilang boto ay mapupunta kay Robredo dahil ang tagapangulo ng NAGKAISA na si Atty. Jose Sonny Matula ay isa sa mga kandidato ni Robredo sa pagkasenador. Si Matula ay pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW).
Ang susuportahan ng TUCP ay si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Hindi pa opisyal na inaamin ng pamunuan ng TUCP ang pagkampi nito kay Marcos Jr.
Batay sa kasaysayan, hindi naging kritiko ang TUCP ng mga Marcos, lalo ng diktadurang paghahari ni Ferdinand Marcos sa bansa noong panahon niya.
Si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao naman ang susuportahan ng KMU.
Ang kapalit ng suporta at boto ng mga opisyal at kasapi ng KMU ay isasama ni Pacquiao sa kanyang senatorial slate ang lider ng KMU na si Elmer “Bong” Labog. Pinipino na lamang ng kampo ni Pacquiao at ‘pamunuan’ ng KMU ang detalyeng kasunduan.
Kung iba-iba ang susuportahan ng iba’t ibang organisasyon ng mga manggagawa, nangangahulugang magkakasalungat sila ng pinaniniwalaang kandidato.
Sa ganyang itsura, mapapansin na ang pinakamalaking bilang ng mga manggagawa ay higit na naniniwala sa mga pulitikong sina Robredo, Marcos Jr. at Pacquiao kaysa kay De Guzman na lider-manggagawa.
Nakadidismaya ang pangyayaring ito sa kasaysayan ng kilusang paggawa dahil napakaliwanag ng ebidensyang hindi magkakasundo at hindi nagkakaisa ang mga lider-manggagawa hanggang kasalukuyan.
Ang kawawa rito ay ang mga manggagawaang pagkatig at pagsuporta sa mga pulitiko ay patunay na hindi tinatahak ng mga manggagawang Pilipino ang direksyon upang mapalaya ang kanyang uri.
Kaya, sa bakuran lang ng mga pulitikong sinusuportahan nila ang gagalawan nilang mundo.
Sigurado akong hindi kumbinsido ang pamunuan at kasapian ng NAGKAISA, TUCP at KMU sa liderato at katangian ni De Guzman, kaya nila isinuka ito. Kawawang De Guzman, isinuka at ipinagpalit ng kapwa niya manggagawa sa mga pulitiko.
