
ALAM naman ng lahat ng mga Pilipino na sa lahat ng kawani sa pamahalaan, napabayaan ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon na itaas ang sahod ng mga guro at healthcare workers.
Kaya, kahit sinong guro at nars ay siguradong pagalit nilang isasagot na napakababa ng kanilang sahod at maliit ang mga benepisyo.
Mahaba-haba na rin ang ganyang kalagayan ng mga guro at manggagawa sa sektor ng kalusugan.
Siyempre, higit na mababa ang sahod at kakarampot ang mga benepisyo ng mga guro at healthcare workers sa mga pribadong kumpanya.
Mabuti pa ang mga opisyal at kasapi ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Jail Managemant and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) dahil itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang suweldo.
Subalit, hindi pa ring tuluyang nawawala ang katiwalian at korapsyon sa kanila.
Ang pagpapabaya ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon sa mga guro at healthcare workers ay ginagamit naman ngayon ng mga kandidato sa pagkapangulo.
Nangangako silang itataas ang sahod ng mga guro at healthcare workers kapag nanalo sila sa eleksyon.
Si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao ang madalas na nagpapakita ng malasakit sa mga guro at healthcare workers.
Mayroon pang tirada si Pacquiao na dodoblehin niya ang sahod ng mga guro kapag siya na ang pangulo ng bansa. Napakaganda ng pangako n’ya. Subalit, siguradong hindi magaganap, sapagkat tiyak hindi kaya ng pondo ng pamahalaan.
Sakit na talaga ng mga pulitiko na mangako ng kaginhawaan sa buhay ng mga Pilipino upang makakumbinso lamang ng boto mula sa kanila.
Ngunit, hindi naman mangyayari. Tulad ng mga pangako noon ni Duterte na idinaan sa magagndang salita tulad ng pagwawakas sistemang kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa at umento sa kanilang sahod na hindi tinupad.
Kahit nga gawing regular ang lahat ng mga kontraktuwal sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay hindi ginawa ni Duterte.
Ang sinapit ng mga manggagawa sa kasalukuyang administrasyon ay ang pananatili ng “union busying”, pagpatay sa mga labor leaders at union organizers at pag-aakusa sa naraming lider-manggagawa bilang kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New Peoples’s Army (NPA).
Kaya, napalaking panloloko sa mga guro at healthcare workers ang pangako ni Pacquiao na kaginhawaan sa kanila, sapagkat walang ganyang rekord si Pacquiao sa Senado at Kamara de Representantes.
Sa tagal na rin ni Pacquiao sa Senado at Kamaraay walang lumabas sa midya na press statement o interbyu sa kanya tungkol sa inihain niyang panukalang batas hinggil sa “malaking umento” sa suweldo ng mga guro at healthcare workers.
Kahit nga kaginhawaan ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang wala siyang inilaban sa Senado, samantalang chairman siya ng Senate Committee on OFW Affairs.
Kaya, puwede ba?! , huwag gamitin ni Manny Pacquiao ang mga guro at healthcare workers upang magtagumpay siyang makamit ang personal na anbisyon niyang maging pangulo ng Pilipinas.
