
DALAWANG taon nang nasa Taguig ang hurisdiksyon ng EMBO pero hanggang ngayon ay lumalabas pa rin ang mga dating isyung matagal nang kinikimkim laban sa Makati.
Nitong Mayo 9, 2025, pormal na nagsampa ng kaso ang ilang pribadong mamamayan laban kay Makati Mayor Abby Binay. Hindi biro ang mga reklamo — graft, grave misconduct, at paglabag sa Code of Conduct for Public Officials.
Ang sentro ng kaso: kapabayaan sa serbisyo publiko noong ang EMBO ay nasa ilalim pa ng lungsod ng Makati.
Ang mga residente ng EMBO ay nagsampa ng reklamo dahil sa pagkabigo ng mga opisyal na tugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, na nagdulot ng hindi pagkakapantay-pantay sa mga serbisyong ipinagkakaloob sa kanila.
Sa gitna ng pagkapikon ng mga residente sa mga naging askyon ni Mayora Abby, makikita naman sa mga lugar tulad ng Taguig ang halimbawa ng tamang pamamahala.
Sa Taguig, na ngayo’y tahanan na ng EMBO, ang pamumuno ng mga lider na tunay na nakatutok sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan ay nagiging modelo ng mga tamang hakbang upang hindi makalimutan ang mga komunidad na may matinding pangangailangan.
Sa kabilang banda, ang mga reklamo ng mga residente ng EMBO ay hindi dapat balewalain.
Hindi ba’t karapatan ng bawat mamamayan na maranasan ang tamang serbisyo at malasakit mula sa kanilang mga lider? Ang mga isyung ito ay paalala na ang pamamahala ay hindi tungkol sa pag-aalaga ng sarili kundi sa pag-aalaga sa mamamayan.
Ang mga solusyon na matagal nang ipinangako ay tila napag-iiwanan, at ang mga proyekto ay nauurong. Huwag sanang maging pangako na lang ang mga solusyon. Ang mga mamamayan ng EMBO ay deserve ang tamang aksyon mula sa kanilang mga opisyal. Panahon na siguro para magbago at hindi na muling malimutan ang kanilang mga pangangailangan.
