Ngunit, kahit mayroon nang sariling kagawaran ang mga manggagawang nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa, hindi otomatikong nangangahulugang wala nang papasaning suliranin ang nabanggit na sektor.

ASAHAN nang magkakaroon ng pagbabago sa trabaho ng pamahalaan sa sektor ng overseas Filipino workers (OFWs) sa mga susunod na buwan dahil magkakaroon na sariling kagawaran ang nasabing sektor.
Tatawaging Departmentof Migrant Workers (DMW) ang kagawaran.
Mapasasailalim dito ang mga ahensyang tulad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang ahensiyang nasa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Pangunahing layunin ng pagkakaroon ng DMW ay upang mabigyan ng pamahalaan ng pokus at diin sa pagsisilbi, pag-aasikaso at pagtulong nito sa mga OFW.
Napapanahon ang ginawa ng Kongreso. Napakawasto ang ginawang aksyon ng mga senador at kongresista ng Ika-18 Kongreso, sapagkat inaasahang hihigpit ang paglilingkod ng gobyerno sa mga OFW.
Sa kabilang banda, mababawasan ng suliranin at trabaho ang DOLE at DFA dahil mawawala na sa kanilang pananagutan ang OFWs. Ngunit, kahit mayroon nang sariling kagawaran ang mga manggagawang nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa, hindi otomatikong nangangahulugang wala nang papasaning suliranin ang nabanggit na sektor.
Hindi nangangahulugang ‘malaya’ na sila mula sa panloloko ng mga recruitment agency, hindi na sila mabibiktima ng human trafficking ng mga balasubas na opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI), hindi na sila pagsasamantalahan at tatarantaduhin ng kanilang magiging mga amo sa ibang bansa.
Asahan pa ring mananatili ang mga nasabing suliranin at pasakit sa mga OFW, sapagkat buhay na buhay ang mundong nagsilang sa kanila upang maging kalaban ng mga OFW. At dahil buhay na buhay ang mga kalaban ng mga OFW, tiyak sasahol at lalaganap ang mga naturang suliranin at pahirap sa nasabing sektor.
Malaki ang papel ng DMW laban sa mga puwersang sumisira sa trabaho at buhay ng mga migranteng manggagawa.
Siyempre, hindi mawawala ang mismong mga migranteng manggagawa dahil estratehiko ang papel nito sa adbokasiya at pakikibaka ng kanilang sektor. Hindi nila dapat ipaubaya sa DMW ang lahat ng kanilang mga problema at pasakit sa buhay.
Obligadong kumilos ang mga OFW kahit mayroon nang DMW, sapagkat hindi pa tapos ang kanilang laban.
