
REGULAR na namang ibinabalita sa midya, partikular sa mga news program ng mga higanteng broadcasting firms, ang serye ng pagtaas ng presyo ng gasolina, krudo at iba pang produktong petrolyo.
Ang diin ng mga balita ng mga reporter sa kasalukuyan ay resulta ang walang tigil na umento sa sumuklab na gyera sa pagitan ng Russia at Ukraine makaraang lusubin, pasukin at angkinin ng una ang huli. Sapul ang presyo ng mga produkto ng langis sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, dahil isa mga supplier ng langis sa maraming bansa ang Russia. Nararapat lang namang ibalita ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, krudo at iba pa dahil direktang apektado ang lahat ng mamamayan dito, tsuper man dyip o hindi, may sasakyan man o wala, sapagkat tumataas din ang presyo ng mga bilihin.
Huwag kalimutan na siyam na linggong magkakasunod ngayong taon ang itinaas sa presyo ng gasolina, krudo at iba pa kada litro.
Hindi pa man lumulusob ang mga sundalo ng Russia sa Ukraine ay hindi na tumitigil ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Kaya, hindi bago ang lingguhang umento sa presyo ng mga produktong langis. Sa ngayon, nadagdagan lang ang batayan ng sobrang pagtaas ng presyo maliban sa lumang dahilan ng mga bansang kontrolado ang industriya ng langis sa daigdig upang bumawi sa nabawasang kita nila sa mga nakaraang mga buwan. Sa pagsahol ng presyo kada litro ng gasolina, krudo at iba pa (P64 / litro pataas), muling ibinalandra ng mga reporter ang panawagan ng mga samahan ng mga tsuper at opereytor ng dyip na dagdagan ng P5 ang minimum na pamasahe sa dyip.
Solusyon daw ito sa matinding bawas sa kita ng mga tsuper, pero hindi nababanggit ang mataas na boundery nila sa kanilang mga opereytor bawat araw. Dagdag pamasahe?! Kung hagupit sa bulsa ng mga tsuper ang pag-uusap ay walang dudang intindido ng lahat ‘yan. Siguradong sira ang ulo ng taong hindi nakakaunawa sa malaking tapyas sa kita ng mga tsuper araw-araw.
Subalit, hindi solusyon — hindi sagot — ang dagdag sa pamasahe, sapagkat siguradong sapul na sapul naman ang bulsa ng mga mananakay o komyuter. Siyempre, hindi naman linggu-linggo tumataas ang sahod nila.
Kawawa na rin ang mga mananakay na kung saan malaking bilang sa kanila ay manggagawa o empleyado sa mga pribadong kumpanya.
Ang minimum na sahod nila ay P537 kada araw kung dito sa Metro Manila (MM) namamasukan at mas mababa riyan sa mga lalawigan.
Marami sa kanila ay hindi regular ang suweldo dahil pawang mga kontraktuwal na siguradong higit na mababa ang natatanggap na suweldo.
Huwag nating kalimutang lahat na mas madalas na tumataas ang presyo ng mga batayang komoditi, kabilang na ang karne ng baboy na mahigit P300 pa rin bawat kilo kahit umangkat na ang bansa ng pagkarami-raming karne ng baboy sa ibang bansa.
Hindi lang siyam na linggong magkakasunod tumaas ang presyo ng mga batayang bilihin, kundi lampas pa riyan. Kaya, hindi solusyon ang pagtaas ng pamasahe sa dyip at iba pang pampublikong sasakyan.
Ang tamang solusyon ay isuspinde ang “excise tax” at “expanded value added (E-VAT) sa mga produktong petrolyo. Kagyat na solusyon ito na nararapat at obligadong gawin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM) na si Wilson Fortaleza na P6 bawat litro ang mababawas sa presyo ng gasolina, krudo at iba pang produktong petrolyo kung ipatitigil ang excise tax.
Siyempre, tataas pa ang bawas kung suspendido na rin ang E-VAT. Idiin ni Fortaleza na matagal nang panawagan ng PM at iba pang organisasyon ng mga manggagawa ang pagpapatigil sa E-VAT at excise tax.
Si Fortaleza ay tumatakbong konsehal para sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon.
Tiyak, napakaraming makikinabang, kundi man lahat, kapag napatigil ang mga buwis sa mga produktong petrolyo. Hindi lang mga tsuper, kundi ang mga opereytor nilang nasisiba sa pera at lahat ng mga mamanakay , mamimili at mga manggagawa.
Sa paglapat ng solusyon o sagot sa mga suliranin ng bansa, ng mamamayan, ay kailangan at obligadong isaalang-alang ang “greater good” o ang makabubuti sa pinakamaraming bilang ng tao.
Hindi iyong makatutulong lamang sa isa o dalawang sektor upang hindi kawawa ang higit na nakararami.
