
NUEVA ECIJA – Muling nakipagkita nitong Miyerkules (Pebrero 26) si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa pamilya ni Mary Jane Veloso upang personal na ipaabot ang kanyang patuloy na suporta at pakikiisa, hindi lamang sa kanilang laban kundi sa laban ng lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs) para sa katarungan at kapakanan.
Kasama sina Nanay Celia, Tatay Cesar, at kapatid ni Mary Jane na si Maritess Veloso Laurente, kinumusta ni Magsino ang muling pagsisimula ng pamilya Veloso matapos makabalik sa Pilipinas ni Mary Jane, na halos 15 taon nang napiit sa death row. Ang kanyang paglaya ay bunga ng matagalang diplomatikong pagsusumikap at suporta mula sa iba’t ibang sektor at ng pamahalaan.
Pinagtibay ni Magsino ang kanyang pangako na patuloy na makikipag-ugnayan sa pamilya Veloso upang mapabuti ang kanilang buhay sa muling pagsasama sa Pilipinas. Tiniyak din niya ang patuloy na pagsusulong ng mga konkretong hakbang para sa mas mahigpit na proteksyon at karapatan ng mga OFW, lalo na sa mga kasong nangangailangan ng agarang aksyon ng pamahalaan.
“Ang kwento ni Mary Jane ay sumasalamin sa laban ng bawat OFW at pamilyang Pilipino na nagiging biktima ng pang-aabuso at pagsasamantala. Hindi tayo titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya at mas napapalakas ang proteksyon para sa ating mga kababayan sa ibang bansa,” ani Magsino.
Matatandaang aktibong nakibahagi ang mambabatas sa mga hakbang para sa repatriation ni Mary Jane. Noong Disyembre 2024, naghain siya ng resolusyon na humihiling sa Pangulo na magbigay ng executive clemency kay Veloso, bilang pagkilala sa kanyang pagiging biktima ng human trafficking at sa kanyang sakripisyo bilang isang OFW.
Binigyang-diin din ni Magsino ang kanyang paninindigan bilang sandigan at kakampi ng mga OFW sa buong mundo. Sa kanyanga mga panukalang batas at programa, isinusulong niya ang pangmatagalang reporma sa pagprotekta sa mga OFW laban sa mga mapang-abusong sitwasyon, lalo na dulot ng mga illegal recruiters, human traffickers, at scammers.
“Hindi natin maaaring hayaang manatiling bulnerable ang ating mga OFW nang walang sapat na proteksyon mula sa gobyerno. Bawat isa sa kanila ay may kwento ng sakripisyo na dapat nating bigyang-pansin at ipaglaban,” dagdag ni Magsino.