WALA umanong dahilan para tanggalin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte bilang Education secretary.
Ito ay sa gitna ng hidwaan ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at kay VP Duterte.
“Wala akong nakikitang dahilan para alisin sya (VP Sara),” ayon kay Marcos sa ambush interview sa Occidental Mindoro.
”Any of the Cabinet secretaries will be replaced kapag hindi nila ginagawa ‘yung trabaho nila. All the other things are not part of the discussion,” ayon pa kay Marcos.
“Kapag hindi talaga marunong o corrupt, tatanggalin ka talaga namin. Hindi naman ganoon si Inday,” pagbibigay-diin pa ng Pangulo.
Nauna nang inamin ng Unang Ginang na hindi na umano mawawala sa kanya ang kawalan ng respeto ni VP Sara nang tawaging ‘bangag’ ang Pangulo. Nakita pa umanong tumatawa si VP Sara habang binabastos ang Pangulo sa anti-Marcos rally sa Davao City.
