Si Rep. Arnolfo Teves (kaliwa) at ang pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
“LAHAT ng lumilitaw na pangalan, bubusisiin namin. Hindi namin ito lulubayan.”
Ito ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos lumutang ang pangalan ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. sa imbestigasyon sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Si Degamo at walong iba ay pinagbabaril noong Sabado ng umaga.
Kausap ni Degamo ang mga constituents at namamahagi ng ayuda nang pasukin ng may 10 suspect ang compound ni Degamo sa munisipalidad ng Pamplona at paulanan ng bala ang mga tao roon.
Labing-pito katao ang sugatan sa insidente.
Mariing itinanggi
Sa kanyang panig, mahigpit na itinanggi ni Teves ang akusasyon na sangkot siya sa pagpaslang kay Degamo.
Kasalukuyang nasa Amerika si Teves at nagpapagamot. Sinabi sa report na uuwi na ng bansa ang kongresista at hindi na rin umano pinahintulutan ng naturang bansa na magkaroon pa ng ekstensiyon ang pananatili nito sa Amerika. Sinabi ni Teves na walang katotohanan ang impormasyon na nagdidiin sa kanya at sa kanyang pamilya sa pagkamatay ng gobernador.
Natanggal sa pwesto
Noong nakaraang buwan ay inalis sa pwesto ng Supreme Court ang kapatid ni Teves na si Pryde Henry Teves. Ito ay dahil sa desisyon na si Degamo ang totoong nanalo noong nakaraang eleksiyon at hindi si Pryde Henry.
Noong Martes ay nagsampa rin ng kasong murder ang abogado na si Levito Baligod laban kay
Teves dahil naman sa umano’y pagkamatay ng tatlo katao noong 2019.
“So this is not just about 9 murders, there may be more, more cases to be investigated. Besides even the ones, the three cases brought by Atty. Baligod here on Tuesday, there are more cases na kailangan tingnan natin,” sabi ni Remulla.
Pulis ng Sta. Catalina Negros Oriental tinanggal
PINALITAN ang lahat ng police personnel ng Sta. Catalina Police sa Negros Oriental sa harap ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Degamo.
“Kahapon nga po yung 56 personnel po ng Sta. Catalina ay nasa Provincial Police Office pagkatapos nauna po yung 76 PNP personnel coming from the Bayawan City Police Station,” ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Noong Martes ay iniutos din ni Interior Secretary Benhur Abalos ang pagpapalit sa lahat ng pulis na nakatalaga sa Negros Oriental.
Nauna nang pinalitan ang mga pulis sa Bayawan City Police.
Si Police Lieutenant Colonel Stephen Amamaguid ng Cebu ang hepe na ngayon ng Bayawan City Police kapalit ni Police Lieutenant Colonel Rex Aboy Moslares.
Ayon kay Fajardo, iniimbestigahan na rin kung may pagkukulang sa seguridad na ibinigay kay Degamo.
“Kasama nga po sa ginagawang investigation kung nagkaroon nga po ba ng failure in terms of providing the necessary security coverage kay Governor Degamo,” sabi ni Fajardo.
Kasong murder at frustrated murder naman ang isinampa laban sa mga nadakip na suspect na sina Joric Garido Labrador, Joven Calibjo Javier, Benjie Rodriguez, Osmundo Rojas Rivero, at 12 hindi pa kilala sa Tanjay City Regional Trial Court.
