INIHAYAG ni House Majority Leader Mannix Dalipe na ang Committee on Ethics and Privileges na ang hahawak at mag-iimbestiga kay Third District ng Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. dahil sa patuloy nitong hindi pagtupad sa tungkulin sa Kamara.
Sa pagpupulong na ginanap ngayong Miyerkoles, sinabi ni Dalipe na nagdesisyon ang komite na magsagawa na ng motu propio investigation sa hindi pagbalik sa bansa ng kongresista sa harap ng direktiba ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na bumalik na ito at magtrabaho.
Napaso na ang travel clearance ni Teves na may petsang Pebrero 27, 2023.
Sinabi ni Dalipe na ipauubaya na sa Committee on Ethics ang kaso ni Teves gayundin ang pagpapataw ng kaukulang disciplinary action sa patuloy nitong pananatili sa ibang bansa.
Dalawang buwan na palugit
Humihingi naman ng dalawang buwan na leave of absence si Teves sa pamunuan ng Kamara dahil umano sa “very grave threat” sa kanyang buhay at kanyang pamilya.
Sa liham na ipinadala ng kampo Teves sa tanggapan ni House Speaker Romualdez, sinabi nito na “The undersigned, Representative of the Third District of Negros Oriental, humbly plea and request that he be granted a two-month leave of absence due to very grave security threat to his life and his family, to be reckoned from March 9, 2023,”
“Rest assured that he will come back as soon as the threat will be dealt with accordingly under our law laws, and with the aid of the government. Thank you for your kind attention,” ayon sa liham.
May petsang Marso 9 ang sulat, na kaparehong araw nang sabihin ng House ethics and privileges committee na dapat ipaliwanag ni Teves sa loob ng limang araw kung bakit hindi siya dumadalo sa sesyon ng kapulungan.
Sinasabing nasa Amerika si Teves at nagpapagamot ngunit kailangang nasa bansa na ito matapos mapaso noong Marso 9 ang travel authority na inisyu ng liderato ng Kamara.
“We want to consider his side, give him an opportunity to explain. So that the public will know that hindi tayo nagpabaya while we consider our colleague,” sabi ni Coop-NATCCO party-list Representative Felimon Espares, chairperson ng komite.
“This is to help our institution [na] hindi naman masira. We are always protecting the institution,” dagdag ni Espares.
Nauna nang hinikayat ni Romualdez si Teves na umuwi na at sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Itinanggi ni Teves na may kinalaman siya sa pagpatay kay Degamo at sa ibang krimen na ibinibintang sa kanya.
