Ni Jet D. Antolin
MULING inupakan ni Senador Risa Hontiveros si Vice President Sara Duterte sa pagpanig nito kay televangelist Apollo Quiboloy na nahaharap sa patung-patong na reklamo ng pang-aabuso mula sa kanyang mga dating kaanib.
“Lubos kang mapapaiisip at magtataka kung bakit may mga ahensiya, ngayon ay sa Office of the Vice President ni Sara Duterte na kumakampi kay Quiboloy na harap-harapang inirereklamo ng mga taong dumanas ng lupit at pang-aabuso,” sabi ni Hontiveros.
Nauna nang kinampihan ni Senador Robin Padilla, Imee Marcos, Cynthia Villar at Bong Go ang nagtatagong si Quiboloy.
Sinabi ni Hontiveros na si Quiboloy ay inakusahan ng mga dating kaanib ng kalupitan at matitinding krimen na ginawa mula sa mga maliliit na tao ng lipunan.
Nauna na ring sinabi ni Hontiveros na mismong si Quiboloy ang gumawa ng sariling hukay na ikinalubog nito.
“Ang tagal na niyang iniimbitahan sa Senado para ibigay ang kanyang panig. Sagutin niya sana ang mga ipinupukol sa kanya. Ngunit sa halip ay lalo lang siyang umiwas at nagtago dahilan para mag-isip ang sambayanan na talagang may mga itinatago ito,” sabi pa ni Hontiveros
