MULI na namang magtitiis pa ang mga motorista sa inaasahanang pagtaas ng presyo ng diesel at kerosene sa susunod na linggo dahil sa patuloy na pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.
Gayunman, mananatili sa kasalukuyang presyo ang gasolina o posibleng may pagbaba ng bahagya, ayon kay Atty. Rino Abad, director ng Energy Department’s Oil Industry Management Bureau.
Sa panayam, sinabi ni Abad na ang presyo ng diesel ay posibleng tumaas pa ng mahigit sa piso kada litro base sa pagtataya habang ang kerosene ay inaasahang taas din ng mababa sa piso.
Sinabi ni Abad na ang pagbaba ng halaga ng piso sa nakalipas na ilang araw ang posibleng dahilan ng muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Ngayong week bumaba ang ating trading prices ng gasoline, diesel at kerosene,” sabi pa ni Abad.
“Unfortunately, in a matter of five days, halos piso ang itinaas ng ating peso compared to US dollar,” dagdag pa nito.
“So when we computed, unfortunately, ang ini-expect natin if not baka hindi pa ito magko-cause ng rollback. Pero ang gasolina may chance ng konting rollback o walang adjustment. Yun ang tinignan natin,” ayon pa kay Abad.
