INIHAYAG ng Land Transportation Franchising Board (LTFRB) ang pagpapalawig ng prangkisa ng tradisyunal na jeepney ng hanggang Disyembre 31, 2023.
Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na ang orihinal na pagtatapos ng prangkisa ay sa Hunyo 30 ngunit tinutulan ito ng iba’t ibang jeepney groups kasabay ng pagbanta ng isang linggong tigil-pasada simula Marso 6 hanggang 12 sa National Capital Region (NCR).
“We are coming out with a new memorandum circular extending the deadline to December 31, 2023,” sabi ni Guadiz sa isang press briefing.
Gayunman, sinabi ni Guadiz, na hindi sila na-pressure sa banta na tigil-pasada.
“To be honest there is no pressure for us for this strike because more than 90% of the transport groups have signified their support to the program of the LTFRB,” ayon dito.
“[I]n deference to the Senate resolution of Senator Grace Poe and to the request of the secretary of the Department of Transportation, we will be extending the deadline to allow the transport sector more time to consolidate,” dagdag pa ni Guadiz.
Ngayong Miyerkoles, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya man ay umaasang hindi matutuloy ang ipatutupad na deadline sa prangkisa.
Sa kautusan ng LTFRB, ang mga jeepney driver at operator ay kailangang magkaroon o sumali sa kooperatiba sa ilalim ng PUV modernization program na naglalayong palitan ang mga traditional jeepney sa sasakyang ng higit na environment-friendly fuels.
Ang mga operator o driver ay maaaring mag-apply ng bagong prangkisa ngunit bilang bahagi ng kooperatiba ng trasportasyon.
Sinabi naman ni Guadiz na hindi isusuko ng mga operator ang kanilang prangkisa kapag pumasok sila sa kooperatiba. “Pag-aaralan ho namin yang suhestiyon niyong ‘yan pero technically po hindi naman po gini-give up ng individual yung kayang franchise in reality,” ayon pa kay Guadiz.
“Because when they band together as one cooperative, ‘yung mga prangkisang bitbit nila, ‘yun na ho ‘yung dinadala nila doon sa cooperative,” dagdag pa nito.
