SA layuning pangalagaan ang kalusugan ng publiko, naglabas ng direktiba ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para sa mga operatibang ayaw magpabakuna.
Giit ni PNP director general Dionardo Carlos, lilimitahan muna ang galaw ng mga operatiba sa loob ng mga tanggapan ng pulisya.
Aniya, trabahong administrabo muna ang aatupagin ng mga pulis na hindi pa – kung hindi man ayaw muna magpaturok ng bakuna kontra COVID-19. Sa tala ng PNP, nasa 1,808 na pulis ang huhugutin sa mga operation at mga quarantine control checkpoints ng pulisya, at pansamantalang itatalaga muna sa opisina.
Aniya, titiyakin niyang magtatrabaho pa rin sa kanilang mga bagong destino ang mga operatiba. Katwiran ng heneral, dapat lang tumbasan ng mga pulis na itinalaga sa ibang trabaho ang kanilang tinatanggap na buwanang sweldo – sa kabila pa ng polisiyang “no jabs, no work” na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Pagtitiyak naman ng heneral, titiyakin niyang hindi malalagay sa peligro ang mga re-assigned police personnel na ililipat sa mga tanggapan sa mga low-risk areas. Base sa pinakahuling datos, wala pang 1% ang bilang ng mga pulis na di pa nababakunahan.
Saad pa ni Carlos, hindi nila pipilitin ang mga ayaw magpabakuna. Kabilang naman sa mga pulis na ayaw magpabakuna kontra COVID-19 ay 400 buntis, 299 na may karamdaman, 194 na napag-alamang may allergy, 63 nagpapasuso ng mga sanggol at 69 naman batay sa kanilang relihiyon.
Ayon pa sa heneral, 212,080 PNP uniformed personnel na ang fully vaccinated habang naghihintay ng kanilang second dose ang 11,788 pang iba. Nasa 42,213 na ang kabuuang bilang ng mga pulis na nagpositibo, kabilang ang 125 na binawian ng buhay. Paglilinaw ni Carlos, hindi magiging sagabal sa pag-angat ng ranggo ng mga pulis ang kawalan ng turok kontra COVID-19.
“Wala namang requirement sa promotion and schooling na hindi pwede kapag unvaccinated ka so we will not do that. Vaccination is not anymore a matter of personal choice, but a matter of public interest for the common good. We do not want to put them at risk,” dagdag pa niya.
