KASONG syndicated estafa ang inirekomenda ng Blue Ribbon committee ng Kamara laban sa anim na corporate executives ng Pharmally Pharmaceutical Corp., kaugnay ng maanomalyang transaksyon nito sa gobyerno noong kasagsagan ng pandemya.
Sa isang virtual press briefing, hayagang tinukoy ng komite ang paghahain ng kasong kriminal kina Pharmally chairman Huang Tzu Yen, treasurer Mohit Dargani, president Twinkle Dargani, Pharmally director Lincoln Ong, Justine Garado at Krizle Grace Mago kaugnay ng bilyun-bilyong halaga ng mga face shields sa Department of Budget and Management Procurement Service na siyang nangasiwa sa pagbili ng mga medical supplies para sa mga medical frontliners.
Paniwala ng komite, sinadyang linlangin ng Pharmally ang pamahalaan nang makipagtransaksyon sa DBM kahit batid naman umano ng mga corporate executives ng kontrobersyal na kumpanya na hindi sila kwalipikado, batay na rin sa mga nakalap na dokumento mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Giit ni DIWA partylist Rep. Michael Aglipay, lubhang nadehado ang pamahalaan sa bilyong halaga ng procurement deal para sa mga medical supplies.
“These acts of Pharmally officials are grossly aggravated by the fact that these were committed during the height of pandemic. By taking advantage of the more lenient procurement regulations under Bayanihan Act One, this matter, Pharmally gravely abused the system to the insufferable prejudice of the government,” sambit ni Aglipay.
Sa tala ng Kamara, aabot sa P8.68 bilyong halaga ang nakorner na kontrata ng Pharmally.
Kumbinsido rin ang kongresista na mahahatulan ng mahaba-habang pagkakakulong ang mga ipinadedemanda ng komite lalo pa’t may sapat na ebidensyang nakalap laban sa anim na opisyal ng Pharmally.
Kabilang sa mga nasilip na butas ng komite ang kabihuan ng Pharmally na maipasa ang panuntunang inilatag ng Government Procurement Policy Board (GPPB) sa mga supplier sa ilalim ng emergency procurement ng Bayanihan Act One.
“Extremely deficient in genuinely evaluating the capacity of a supplier,” ani Aglipay.
“One’s financial capacity cannot be proven by ITRs or ATRs alone, and an additional requirement such as Audited Financial Statements or credit history may be necessary,” dugtong pa ng mambabatas.
Ni wala rin aniyang naipakitang patunay ng mga naunang pharmaceutical supply deals ang Pharmally.
Bukod sa syndicated estafa sa anim na Pharmally executives, angkop rin ayon sa kopmite ang pagsasampa ng kasong falsification of public documents laban sa ilang opisyal ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM), kabilang sina Jorge Mendoza II at Mervin Ian Tanquintic.
Una nang inamin nina Mendoza at Tanquintic na hindi pa man dumarating ang medical supplies na binili sa Pharmally, pirmado na ang inspection reports ng kanilang tanggapan.
