Ang lumubog na MT Princess Empress.
SINABI ng Philippine Coast Guard (PCG) na tinataya na lamang mula 300,000 hanggang 400,000 litro na lang umano sa kargang industrial fuel ng lumubog na MT Princess Empress.
Ayon kay Rear Admiral Armand Balilo, spokesperson ng Philippine Coast Guard (PCG), ito ay dahil sa unti unting pagbulwak ng langis.
Nasa 822,000 litro ng industrial fuel ang karga ng MT Princess Empress.
Sa natanggap na report ng PCG, wala nang laman ang apat na tangke sa likurang bahagi ng barko.
Gayunman, may apat na tangke pa aniya ang may laman na siya umanong pinagmumulan ng oil leak.
Batay sa survey ng remotely operated vehicle (ROV) ay nasa 23 ang nakitang butas ng barko.
Ayon kay Balilo, sa ngayon, tinitingnan ng PCG kung paano mare-recover ang mga natitirang langis.
Dumating nitong Martes, Marso 28 ang mga oil spill expert ng Korean Coast Guard.
Nag-courtesy call din sila kay PCG Commandant Artemio Abu at nakipagpulong sa mga opisyal ng PCG bago sila tutulak patungo sa Oriental Mindoro.
Kumpyansa ang PCG na nasa tamang direksyon ang kanilang mga ginagawang pagtugon sa malaking oil spill incident na ito.
Sa report ng PCG, umabot na sa 10,163 litro ng oily water mixture at 123 sako ng oil-contaminated materials ang nakolekta sa bahagi ng karagatang apektado ng oil spill.
Habang sa mga apektadong baybayin naman sa 13 barangay sa Naujan, Bulalacao, at Pola sa Oriental Mindoro ay nasa 3,600 sako at 22 drum ng oily waste ang nakolekta.
