INAMIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi niya prayoridad ang pag-amyenda ng konstitusyon upang maisakatuparan ang mga pangakong negosyo at pamumuhunan sa limang araw na official working visit sa Japan.
Sa media interview habang lulan ng eroplano pabalik sa bansa, sinabi ni Marcos na hindi kailangan ang charter change upang makamit ang mga investment pledges at kasunduan ng naturang bansa.
“It is not a priority for me, because maraming ibang kailangan gawin eh. There are so many other things that we need to do first, that we can still do, we can achieve, kung makuha natin ang gusto natin but within the present constitutional, the way the constitution is written,” sabi ng Pangulo.
Nasa 34 letters of intent ang nilagdaan ng Pangulo mula sa iba’t ibang kumpanya sa pagitan ng Japan at Pilipinas. Nilagdaan din ang government-to-government deal sa naturang working visit.
Kinilala ng Pangulo ang mga panukalang amyendahan ang konstitusyon upang makamit at mawala ang balakid para maisakatuparan ang mga foreign investments.
“Gusto nga natin na magkaroon ng investment. Minsan, sagabal iyon. Alam niyo naman ang mga isyu diyan – iyong ownership ng corporation, ownership ng lupa, mga ganoon. But for me, lahat itong mga pinag-usapan, kaya natin gawin na hindi pinapalitan ang Saligang Batas,” sabi pa ni Marcos.
