ASAHAN na umano ang pagtaas ng pasahe sa eroplano sa susunod na buwan matapos ang nakatakdang pagtaas ng fuel surcharge level sa Marso, ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB).
Sa advisory ngayong Miyerkoles, inihayag ng CAB ang pagbabago ng passenger at cargo fuel surcharge sa domestic at international flights at itinaas sa Level 7 para sa Marso 1 hanggang 31, 2023.
Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, sa ginanap na monitoring ng ahensiya mula Enero 10 hanggang Pebrero 9, 2023, tumaas ang presyo ng jet fuel ng hanggang $113.72 kada bariles na nangangahulugan din ng fuel surcharge level sa susunod na buwan.
Higit na mataas ang fuel surcharge level para sa Marso 2023 kumpara sa kasalukuyang presyo.
Sa ilalim ng Level 7, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay naglalaro mula sa P219 hanggang P739 o depende sa distansya.
Sa international passenger flights mula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay naglalaro naman mula P722.71 hanggang P5,373.69.
Samantala, sa kasalukuyong Level 6, ang mga pasahero ay sinisingil ng mula P185 hanggang P665 fuel surcharge para sa domestic flights at P610.37 hanggang P4,538.40 para sa international flights depende sa layo.
