IKINABAHALA ni OFW Partylist Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang napaulat na paglipana ng surot at daga sa Ninoy Aquino International Airport Terminals 2 at 3.
Bukod sa mga insidenteng ito, ikinabahala rin ang hindi komportableng karanasan ng mga pasahero sa patuloy na problema sa congestion sa loob ng paliparan gayundin ang mabagal na daloy ng trapiko sa paligid nito.
Ang mga isyung ito ay hindi lamang nagdudulot ng abala sa ating mga kababayan, kundi pati na rin sa imahe ng ating bansa sa pandaigdigang komunidad, ayon pa sa mambabatas.
“Batid natin na ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) ay nagsasagawa na ng komprehensibong inspeksyon sa kaangkupan ng pasilidad at sanitasyon sa paliparan, subalit nais din natin imungkahi sa ating mga ahensya ang pagsasagawa ng malalim na pag-aaral kung ano ang contributing factors sa matinding congestion at delay sa loob ng airport, lalo ang pila sa immigration at maging sa halos hindi gumagalaw na trapiko paikot sa NAIA 3. Hindi ba’t pabalik-balik ang problemang ito? Bakit wala pa din pangmatagalang solusyon?,” ayon pa kay Magsino.
“Ang ating mga paliparan ay hindi lamang gateway sa ating tourism industry kung hindi pati ng ating labor migration. Ang pagkaantala sa proseso sa departure ng ating mga OFWs ay naglalagay ng kanilang kabuhayan sa alanganin dahil sa posibleng missed flights na magreresulta sa hindi pagtupad sa kanilang deployment schedules o return-to-work orders,” ayon pa kay Magsino.
