MAHIGPIT na itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang pagkakasangkot umano sa Oplan Tokhang, sa Davao Death Squad, at sa mga insidente ng pagpatay o extrajudicial killings sa Davao.
“Bago ang script na ito. Sa mga taon na nagsilbi ako bilang Vice Mayor at Mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi naugnay ang aking pangalan sa isyung ito,” sabi ni Duterte sa pahayag.
“Bigla na lang nagkaroon ng testigo laban sa akin nang mahalal ako na Vice President. At kabilang na nga ako ngayon sa mga akusado sa International Criminal Court,” ayon pa sa bise presidente.
Sinabi ni Duterte na maliban sa tiyempo, malinaw na sadyang pinilit lang na maidugtong umano ang pangalan nito para maging akusado sa ICC.
“Ang pagpupumilit ng ICC na pakialaman ang ating hudikatora ay panghihimasok sa ating soberanya. Paglapastangan ito sa dignidad ng mga Pilipino at sa karangalan ng Pilipinas,” dagdag pa ni Duterte.
“Wala na itong debate, sa testigo at mga tao na nakapalikod sa kanya magfile kayo ng kasong murder laban sa akin dito sa Pilipinas,” pagtatapos ng bise presidente.
