HINDI magiging bahagi ng delegasyon ng mga kongresista sa pagbubukas ng 19th Congress ang idineklarang wagi sa Zamboanga del Norte makaraang maglabas ng status quo order ang Korte Suprema bunsod ng petisyong inihain ng kalaban sa pulitika.
Ayon sa Korte Suprema, hindi muna pwedeng umupong kinatawan sa Kamara ni Romeo Jaloslos Jr., sa kabila pa ng proklamasyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpasyang ibigay sa kontrobersyal na dating kongresista ang 5,424 botong nakuha ng kandidatong kaapelyido niya.
Sa isang resolusyon, iginiit ng Korte Suprema na kailangan muna nilang rebisahin at busisiin ang mga inihaing argumento ng kampo ni Roberto Pinpin Uy Jr. na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng boto matapos ang ginanap na halalan nito lamang nakaraang Mayo.
Sa datos ng Comelec, nakasungkit si Uy ng 69,591 boto, habang pumangalawa naman si Romeo Jalosjos Jr. na nakapagtala ng 69,109 boto. Nasa pangatlong pwesto naman ang isang Frederico Jalosjos na kalaunan ay idineklarang “nuisance candidate” ng poll body.
Dito na iginiit ni Jalosjos Jr. na sa kanya dapat pumasok ang botong nakuha ng kandidatong kaapelyido – bagay na kinatigan naman ng Comelec.
Inatasan din ng Korte Suprema ang Comelec at kampo ni Jalosjos Jr. na magsumite ng komento sa petisyong inihain ni Pinpin.
