MATAPOS makatanggap ng santambak na reklamo hinggil sa kawalan ng suporta mula sa amang nang-iwan sa kanilang pamilya, isang babala ang inilabas ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo.
Aniya, bagama’t wala sa mandato ng kanyang pinamumunuang departamento ang kasuhan ang mga tinawag niyang iresponsableng padre de pamilya, tiniyak niyang may kalalagyan ang mga amang ayaw magbigay suporta sa kanyang pamilya – partikular sa mga anak.
Sa isang panayam, hayagang sinabi ng Kalihim na maaaring habulin ng mga solo parent ang tatay ng kanilang anak, sa bisa ng kasunduan sa pagitan ng DSWD at Public Attorney’s Office (PAO).
Pag-amin ni Tulfo, sa mga nakalipas na panahon, tanging demand letters sa mga pabayang ama pakay ng reklamo ang tugon ng kanyang departamento.
“Napansin ko po yan sa pag-upo ko diyan sa DSWD, maraming ina ang nagtatanong kung sakop daw ba ng DSWD ang dapat hingan ng sustento yung kanilang mga ex, asawa, boyfriend na naanakan po sila. Sabi ko naman hindi pero pupwede namin kayong tulungan na magbigay ng demand letter, ani Tulfo. “Pero napansin ko mukhang yung ibang ama ay hindi pa rin pinapakinggan yung aming demand letter so napilitan na kaming makipag-ugnayan sa PAO nang sa ganon ay iba na – dinagdagan namin yung pangil ngayon na after ng demand letter na ayaw pa ring magsustento eh sa korte na ang bagsak mo, magpaliwanag ka na sa korte.
Ang PAO lawyer ang magiging abogado ng mga single mom na ayaw sustentuhan ng mga lalaki yung kanilang mga anak,” dagdag pa niya. Paglilinaw ng Kalihim, napapanahon nang ipatupad ng lubos ang mga batas na nagpapataw ng parusa sa mga iresponsableng padre de pamilya – kahit pa may bago nang asawa o kinakasama ang naanakan.
“Nasa batas yan, walang sinabi sa bata na huwag mo nang sustentuhan yung anak mo kapag may asawa na yung asawa mo or meron nang ka-live-in. The law states na you have to support your child until 18 years old, support means financial, educational, shelter, clothing, and food,” diin pa ni Tulfo.
Hindi rin umano usapin kung anak sa unang pamilya ang batang inihihingi ng tulong dahil sa ilalim aniya ng Family Code, lahat ng anak ay itinuturing nang legitimate child. Samantala, sinegundahan ni PAO Chief Atty. Persida Acosta ang pahayag ng DSWD chief.
Katunayan aniya, may mga abogado sa kanilang mga tanggapan na handang-handa nang tumugon at kumatawan sa mga single moms sa husgado. Paliwanag ni Acosta, sa ilalim ng Family Code of the Philippines, obligado ang mga tatay na meron namang kakayahang pampinansyal na suportahan ang kanilang mga anak.
“Ang suporta kasi ayon sa Family Code: ay pagkain pananamit, tirahan at pag-aaral hanggang kolehiyo. Tungkulin ng tatay yon. Kung hindi kaya ng tatay, ay walang magagawa ang nanay kailangang magbanat ng buto, ang tatay kapag may trabaho ka at hindi ka nagsusustento sa anak mo ay ikaw ay pabaya alibugha kang tatay. Yon. Magkakakaso ka. Ang depensa naman pagdating sa korte ng lalaki kung wala kang trabaho. Pero kung may trabaho nag-anak ka sa loob at sa labas aba ay obligasyon mong pakainin, suportahan ang mga anak,” pagtatapos ng PAO chief.
