ANIM na milyong piso ang alok na pabuya ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa sinuman na makapagbibigay impormasyon sa kinaroroonan ng anim na suspect sa pagkawala ng ilang sabungero.
Sa kanyang facebook post, hinarap ni Remulla ang mga pamilya ng nawawalang sabungero sa Department of Justice (DOJ) headquarters sa Manila.
Ang reward umano ay bahagi ng aksiyon ng DOJ upang matunton ang mga suspect.
“Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy natin ang malawakang paghahanap sa 6 pang sangkot sa pagkawala ng mga sabungero kung kaya’t iniaalok natin ang P6-M halaga ng pabuya para sa makakapagturo at makakapagsabi kung saan nagtatago ang mga suspek,” sabi ni Remulla sa kanyang social media post.
“Makakaasa ang bawat naulilang pamilya na ginagawa natin ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay maging ang pagsugpo sa mga ganitong klaseng krimen,” dagdag pa nito.
Nang tanungin kung saan magmumula ang pondo, sinabi ni Remulla na ito ay mula sa isang ‘anonymous source’.
Kasama ni Remulla ang ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) nang makipagpulong sa pamilya ng nawawalang sabungero at nagbigay ng pinakabagong kaganapan sa kaso.
Sinabi ni Crime Investigation and Detection Group Chief BGen. Romeo Caramat Jr. na tututok ang awtoridad sa pag-aresto sa mga sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.
Tatlong pulis na umaresto sa sabong agent na si Ricardo Lasco ang nag-plead ng not guilty sa kasong robbery at kidnapping sa korte ng San Pablo City, Laguna, ayon sa legal counsel ng pamilya ni Lasco.
