SINABI ni Senador Risa Hontiveros na ang tone-toneladang asukal na maituturing na large scale agricultural smuggling ang posibleng maiangkat sa bansa ay labag sa batas at karampatang kaso ang posibleng maisampa sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA).
“Tone-toneladang asukal ang pinag-uusapan dito, 450,000 metric tons, pero bakit ang pait?
Biruin nyo, tatlong kompanya, halos na handpicked pa, ang pinayagan na mag-angkat ng asukal para sa buong bansa. Di ba kaduda-duda yan? Di ba sa ganyan nagsisimula ang kartel? Paanong hindi mangangamoy “government-sponsored smuggling” yan?”
“Una, 450,000 metric tons, mistulang economic sabotage ang ganyan kalaking shipment. Large-scale agricultural smuggling na yan. Ayon sa batas, sa Anti-Agricultural Smuggling Act(RA 10845), bawal ang pagpasok sa bansa ng asukal na hindi bababa sa P1,000,000 ang halaga, at walang tamang permit.
Kaya sa pag-amin kahapon ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban na sila ang namili at nag-utos sa tatlong kompanya na mag-import, sana ay handa silang humarap sa mga seryosong kasong kriminal at administratibo.
“Ikalawa, inamin din ni Usec. na ang basehan nila ay hindi Sugar Order mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) kundi memo lang mula sa Office of the Executive Secretary. Kung pagbabatayan naman ang charter ng SRA (EO No. 18, series of 1986), tanging ang SRA – at hindi si Panganiban mismo – ang may kapangyarihan na mag-issue ng permits at licenses gaya ng sugar orders para sa pag-angkat ng asukal,” sabi pa ni Hontiveros.
Nangangamba pa ang senaor na isa na naman itong sugar import fiasco.
“Bagong fiasco ulit? Sino nanaman ang nag-utos nyan? Sino at ano ang nag-udyok sa kanila na gawin ang ika nya ay “hasty decision” na yan?,” tanong pa nito.
Hinamon din ni Hontiveros si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na lagdaan na ang isang maayos na sugar order na hawig sa mga dating sugar orders na pangmaramihang importers.
“Paano naman kasi magiging makatarungan ang presyo ng bilihin kung tila iniitsapwera ang SRA at ang mga batas? Bakit mistulang gobyerno na mismo ang bumuo ng tatlong kompanya ang magdidikta ng presyo ng asukal para sa Pilipinas?”
